Si “Cabesang Tonang” Ang Tunay na Ina ng Mariveles, Bataan

 Si “Cabesang Tonang” Ang Tunay na Ina ng San Carlos

Isinulat ni Pocholo De Leon Gonzales AKA The VoiceMaster

 

Agatona "Cabesang Tonang" De Leon

Ako si Pocholo De Leon Gonzales, Anak ni Avelina De Leon Gonzales at Luis Gansit Gonzales taal na taga Mariveles. Lumaki ako sa Kalye ng Jose Sarreal sa Baranggay ng San Carlos sa Mariveles, Bataan. Bata palang ako lagi kong tinatanong sa aking sarili. Sino si San Carlos? Akala ko isa syang Santo.

Lingid Sa Kaalaman ng mga Nakararaming Taal na Taga Mariveles, Ang Baranggay ng San Carlos ay hindi ipinangalan sa isang santo o kanino mang mga tao sa simbahan. Ito ay ipinangalan sa taong nagtatag ng Baranggay ng San Carlos na si Mayor Dr. Carlos “Carling” Lara Sarreal. Si Mayor Carling ang nagpatayo ng Baranggay San Carlos na nasa Gitna ng Bayan ng Mariveles noong panahon na kung saan kasalukuyan ding itinatayo ang Bataan Export Processing Zone o BEPZ taong 1969. Taong 1967 ng si Dr. Carling ay nahalal bilang Punong-Bayan ng Mariveles at simula noon mula sa 5th Class Municipality ang bayan ay naging 3rd Class Municipality.

May pinagmanahan ang Ang kagalingan at kadakilaan ni Dr. Carling sapagkat ang kanyang lola ay walang iba kung ang Dinadakila at Kinikilalang Ina ng Katipunan at Himagsikan ng Mariveles, Bataan. Walang iba kung hindi si Agatona De Leon. Si Agatona De Leon ay Kapatid ni Ignacio De Leon na kung saan nagmula ang lahi ng mga De Leon sa Mariveles. Si Ignacio De Leon ay napangasawa si Julia Advincula at naging anak si Emilio Advincula De Leon. Si Emilio kilala bilang Milyong ay nagkaroon ng 3 asawa, una ay si Socorro Delgado, Pangalawa ay si Zuela “Chelay” Velez at Celerina “Nena” Batungbakal Mandocdoc. Mula sa asawang si Zuela ay naging anak nila sina Amado Velez De Leon, Virgina Velez De Leon – Riego De Dios at si Lolita Velez De Leon Cesar. Si Amado ang ama ng aking ina na si Avelina De Leon Gonzales.


Mayor Carling Lara Sarreal


Si Agatona ay may unang asawa na nasa lahing Gonzales ngunit ito ay sumakabilang buhay ng maaga. Sila ay biniyayahan ng dalawang anak na sina Melchor Gonzales at si Esteban Gonzales. Si Esteban Gonzales ay ang aking Lolo sa tuhod. Napangasawa nya si Juana Bautista at naging anak nila si Leoncio Gonzales. Napangasawa nya si Marina Gansit at naging anak nila ang aking ama na si Luis Gansit Gonzales na naging Municipal Administrator ng Mariveles sa panahon ni Mayor Jessie Concepcion na naging anak ang Sumunod na isa sa pinakabatang Mayor ng Mariveles na si Ace Jelo "AJ" Concepcion.. Kaya ang aking ama at ina ay pangatlong pinsan sa Lahing De Leon.

Si Esteban Gonzales at si Melchor Gonzales ay ang mga kinilalang mga bayani ng Katipunan sa bayan ng Mariveles. Dumalo sila sa pulong na magkaroon ng kasulatan na tinawag na “Acta ng Katipunan.” Nilagdaan nila ng sarili nilang dugo ang kasulatan at nanumpa na kahit anong uri ng hirap ng kaparusahan ay hindi ibubunyag ang tuntunin at doktrina ng Katipunan.

Itinakda ang Simula ng Himaksikan sa Mariveles noong ika-31 ng Mayo taong 1898. Pinagkasunduan nilang pagkatapos ng ikatlong pagtulog ng bombo na tinagurian “Hudyat sa Banaag ng Kalayaan” at tinawag na “Araw ng Kupuhan.”

Ang himagsikang ito ang pinakamadali, mabilis, hindi madugong labanan at ang pinakamatagumpay sa kasaysayan ng Mariveles. Sa pangyayaring ito kinilala ang kadakilaan ni Agatona De Leon na tinaguriang “Cabesang Tonang” na naging simbolo ng Ina ng Katipunan ng Mariveles, Bataan at siya ring nanguna sa pagpapalaya sa ating bayang mahal laban sa malupit at mapagsamantalang mga Kastila. Siya ang kaisa-isang Babae na namuno, sumugot at sumigaw ng “Salakay mga Kapatid!” na naging hudyat ng pagsisimula ng himagsikan sa Bayan ng Mariveles. Nakapangasawa niyang muli ang isang kilalang Gobernadorcillo ng bayan ng Imus, Cavite na si Julian Sarreal. Tinawag na “Copo De Mariveles” o Mariveles Coup d’etat ang madugo ngunit matagumpay na kabanata ng kasaysayan ng ating bayan.


Mayor Esteban De Leon Gonzales


Si Cabesang Tonang din ang isa sa mga unang nagtaguyod ng relihiyong Aglipayano o Iglesia  Filipina Indepediente (Aglipay Church) dahil sa pangaalipin at pagpapahirap ng mga Kastila sa mga Pilipino kasama ang mga  pamilya ng mga bayari ng “Copo de Mariveles” noong 1898.

Ang mga naging anak ni Cabesang Tonang ay ang mga nagsilbing leader ng ating bayan matapos ang himagsikan. Naririyan si Melchor Gonzales at Esteban Gonzales. Naglingkod si Esteban Gonzales bilang Pambayang Hukom at naging Punong Bayan noong 1908 sa Panahon ng mga Amerikano. Siya rin ang nagsimula ng kauna-unahang Elementaryang Eskwelahan sa Mariveles.

Ang panganay na anak naman ni Agatona sa pangalawang asawa na si Julian Sarreal ay si Jose De Leon Sarreal, Sr. (Sa kanya pinangalan ang Jose Sarreal St., sa San Carlos) ang isa sa mga nakakariwasang pamilya sa Mariveles. Isa syang negosyante bago pumasok sa larangan ng pulitika. Naitalaga siyang “Kapitan Municipal” o Mayor noong 1898. Naging pang labing-tatlong (13th) Mayor ng Mariveles at nahalal at nanungkulan sa loob ng anim na taon.

Nagkaroon ng apo si Cabesang Tonang, sya si Carlos Lara Sarreal at naging pang-labingpitong Mayor ng Mariveles. Nanungkulan ng tatlong termino mula 1968-1979. Pinanganak sya noong November 4, 1936.  Si Mayor Carling ang nagtayo ng Mariveles Water District at ng Pamilihang Bayan ng Mariveles. Dito makikita na ang Pamano o Legacy ni Cabesang Tonang ay tunay na nananalaytay sa dugo ng mga lahing sumunod sa kanya. Masasabing si Agatona De Leon talaga ang tunay na ina ng San Carlos at ng bayan ng Mariveles.

Bilang apo sa Talampakan ni Agatona De Leon. Isa lang ang tanging hangad at hangarin ko sa  kasalukuyan at kinabukasan ng bayang ito lalong lalo na sa Kabataan. Huwag nating kalimutan ang kasaysayan at ang mga ginawang sakripisyo at pagmamahal ni “Cabesang Tonang” upang makamtan natin ang Kalayaan at isapuso at isipan natin ang pagiging Makabayan at mapagmahal sa ating pinagmulan at ang pamana ng kasaysayan.

Mabuhay ang Baranggay San Carlos! Mabuhay ang Bayan ng Mariveles!